LOOK!
PNP NALANSAG ANG ₱15.5-MILYONG RELIEF GOODS SCAM SA MAYNILA
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang laban kontra katiwalian at pagsasamantala sa yaman ng bayan, muling pinatunayan ng Philippine National Police na walang sinuman ang nakatataas sa batas.
Sa isang matagumpay na operasyon na isinagawa magdamag, nabuwag ng PNP ang umano’y multi-milyong pisong raket na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng mga ayuda na nakalaan para sa mga biktima ng kalamidad.
Batay sa lehitimong ulat, agad na kumilos ang CIDG NCR Regional Field Unit-Special Operations Team, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), at sinalakay ang isang bodega sa Tondo, Maynila mula alas-10:00 ng gabi ng Oktubre 2 hanggang alas-4:30 ng madaling araw ng Oktubre 3, 2025. Nahuli sa operasyon si alyas “Janice,” nasa hustong gulang, matapos mahuling nagbebenta ng 6,000 kahon ng “DSWD Family Kits” na may tatak na “Not for Sale,” na nagkakahalaga ng ₱15,520,000.00.
“Hindi kailanman kukunsintihin ng Philippine National Police ang mga taong nagsasamantala sa kahinaan ng mga biktima ng kalamidad. Ang mga relief goods ay sagradong tulong na nakalaan para sa pinaka-apektadong mamamayan. Ang pagbebenta o pag-abuso nito ay labag sa batas. Sisiguraduhin naming mananagot ang lahat ng sumisira sa tiwala ng taumbayan,” mariing pahayag ni PNP Acting Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Nilinaw naman ng DSWD na wala silang pag-aari o kinalaman sa bodegang sinalakay at mariin nilang kinondena ang maling paggamit ng kanilang logo at tatak na maaaring makapanlinlang sa publiko. Buo rin ang kanilang suporta sa imbestigasyon at handang magsampa ng kaso laban sa mga responsable.
“Ang operasyong ito ay patunay na alerto at determinado ang ating kapulisan laban sa mga mapagsamantalang kumikita mula sa paghihirap ng kapwa. Kasama ng iba pang ahensya, patuloy nating dudurugin ang mga sindikatong ito upang mapangalagaan ang kapakanan ng mamamayan,”ayon kay PNP Spokesperson PBGEN Randulf T. Tuaño.
Ang pinakabagong tagumpay na ito ng PNP ay nagsisilbing malinaw na babala: hinding-hindi papayagan ng PNP ang sinumang magtatangkang magsamantala sa tiwala at kabutihan ng sambayanang Pilipino.

SOURCE: https://www.facebook.com/pnp.pio/posts/pfbid02aFXXhkACxpLkEvHM1eWMB1zcRKe4rn48St7cLxEfupitQzXYUJVpBxg8EBS7ZeTcl?rdid=QyvipWLIMnIzUOOU#

#PNPSwiftResponse
#FastActionForce
#AngGalingNgPulis
#SaBagongPilipinasAngGustongPulisLigtasKa
#ToServeandProtect
#PCADGMetroManila
National Capital Region Police Office
RCADD – NCRPO

Disclaimer: CTTO of the photos, videos and other optics. No Copyright Infringement intended.