MAYNILA — Sapul sa video ang rambol ng mga batang lalaki sa kahabaan ng Rizal Avenue, Quiapo, Maynila, pasado alas-4 ng madaling araw nitong Martes, Enero 20.

Ayon sa kumuha ng video na si Paul Santa Ana, isang tattoo artist, pauwi na siya sa Manila mula Cavite nang madaanan ang naturang kaguluhan.

Kita sa video na halos hindi na makatayo ang isang batang lalaki matapos pagtulung-tulungang suntukin at tadyakan ng mga kapwa batang lalaki.

May pagkakataong sinubukang tumakbo ng binubugbog, pero hinabol pa rin ito ng grupo.

Nang makarating ang report sa pulisya, agad ikinasa ang rescue operation sa pitong batang nanggulpi.

“Lumalabas po, sir, na itong biktima ay dati umanong nanakit doon sa isa sa nambugbog sa kaniya. Lumalabas, gantihan po ito. No’ng nakita po siya nitong grupo, agad po siyang nilusob para gumanti sa previous na away nila,” saad ni PCapt. Dennis Turla, commander ng Plaza Miranda PCP–MPD.

Labing-dalawang anyos ang pinakabata sa kanila habang 16 anyos naman ang pinakamatanda na mga dayo lang umano sa Quiapo.

Apat sa kanila ay mula sa Santa Cruz habang ang iba ay mula sa Ermita at Baseco.

“Hindi naman po natin maitatanggi, bata, matanda, may edad, talagang dumarayo rito. Kadalasan po maraming street dwellers na talagang pumupunta sa Quiapo para makitulog,” saad ni Jerry Concha, secretary ng Brgy. 307.

Agad dinala ang pitong menor de edad sa Manila Reception and Action Center sa ilalim ng pangangalaga ng Social Welfare Department, habang ipinatawag rin ang kani-kanilang mga magulang.

“Kung iniisip n’yo wala kayong pananagutan, ang mga magulang, meron kayong pananagutan. Meron kayong pananagutang sibil. Pati ’yong magulang, isasama na natin sa intervention, ipatatawag natin at isasama na rin natin sa monitoring,” saad ni Jay Dela Fuente, head ng Manila Department of Social Welfare.

Sa City Ordinance Number 8547 ng Maynila, ipinatutupad ang curfew hours mula 10PM-4AM para sa mga menor de edad.

Sakaling mapatunayang may kapabayaan ang mga magulang o guardian ng bata, maaari silang mapatawan ng hanggang limang libong pisong multa. Maaari rin silang makulong ng hanggang anim na buwan.

“Sa mga magulang, bantayan po natin ang mga anak natin. Dapat kilala natin ang mga anak natin kung sino sila at kung sino ang barkada nila. Dapat alam natin kung anong ginagawa nila… Kung anong klaseng meron tayong anak sa darating na panahon, gano’ng klase rin po tayong magulang,” dagdag ni Dela Fuente.

Sasagutin naman ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang pagpapagamot sa binugbog na bata.

Subscribe to the ABS-CBN News channel! – http://bit.ly/TheABSCBNNews

Watch full episodes on iWantTFC for FREE here:
http://iwanttfc.com

Visit our website at http://news.abs-cbn.com
Facebook: https://www.facebook.com/abscbnNEWS
Twitter: https://twitter.com/abscbnnews
Instagram: https://www.instagram.com/abscbnnews

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here