‘ITO ANG UNANG BUMUNGAD SA AKIN’
Isiniwalat ni Manila Mayor Isko Moreno ang ‘di umano’y P950 million na utang ng lungsod sa mga naging garbage contractor nito na siyang dahilan sa posibleng paglala ng problema sa basura sa susunod na mga araw.
Sa isang Facebook Live ngayong Lunes, ibinahagi ni Moreno na nakatanggap siya ng sulat mula sa MetroWaste Solid Waste Management Corporation (MetroWaste) at Phil. Ecology Systems Corporation (PhilEco). Nakasaad sa kanilang sulat na ititigil na nila ang pangongolekta ng mga basura sa Maynila dahil hindi pa sila umano nababayaran ng lokal na pamahalaan mula February 2025 hanggang sa kasalukuyan.
“Kung kahapon, nu’ng isang araw, nu’ng isang linggo at ilang linggo na ang nakararaan ay tambak ang basura saan mang sulok ng ating siyudad ay malamang po sa hindi, titriple pa po ‘yan dahil wala na pong maghahakot ng basura,” ani Moreno.
Kabilang pa rito ang P500 million na utang umano ng administrasyon ng dating alkalde na si Honey Lacuna sa Leonel Waste Management.
“Ang bayaring kakaharapin natin at hindi na kinaya rin ng mga naturang kumpanya ang malaking operasyon ng pagkolekta ng basura ay tumataginting na P950 million,” ipinunto ni Moreno.






