January 19, 2026

Isko: 100K puno ng kawayan, bagong sandata ng Maynila kontra baha

Inatasan ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Lunes ng umaga, Enero 19, ang pagtatanim ng paunang 100,000 puno ng kawayan sa kahabaan ng Roxas Boulevard, R-10, at iba pang pangunahing lansangan bilang bahagi ng flood control at environmental policy ng lungsod.

Ayon kay Domagoso, layunin ng programang ito na patibayin ang mga tabing-ilog at makatulong sa pagsalo at pagpapabagal ng rumaragasang tubig-baha tuwing tag-ulan.

“Gumagawa tayo ng reinforcement sa mga gilid ng ilog sa pamamagitan ng pagtatanim ng mga kawayan sa buong pampang para makatulong ito sa pagkontrol ng baha na muli nating mararanasan,” pahayag ni Isko.

Dagdag pa ni Domagoso, bagama’t nananatiling hamon ang pagbaha sa panahon ng tag-ulan, makatutulong ang mabilis na paglaki ng kawayan upang mabawasan ang lebel ng tubig at mapabuti ang kalidad ng hangin sa lungsod.

“Mas karapat-dapat ang mga taga-Maynila sa mas maayos na serbisyo mula sa kanilang pamahalaan, kaya ito na ang ating polisiya: 100,000 puno,” ani Domagoso. (BP)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here